PGT judges, may mensahe; hosts may bagong 'power'

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Todo ang pasasalamat ng host at judges ng ika-6 na season ng Pilipinas Got Talent (PGT) dahil sa mainit na pagtanggap sa bagong season ng reality talent show.
    
Humataw kasi agad sa rating sa unang weekend ang PGT, na nakakuha ng 36.8 percent noong Sabado, at 40.8 percent naman noong Linggo.

"Mula sa lahat ng bumubuo ng Pilipinas Got Talent, nais po namin magpasalamat sa inyong lahat dahil sinamahan niyo kami sa unang linggo pa lang," ani Vice Ganda.

"Hindi namin ini-expect na ganun kainit ang pagtanggap so maraming maraming salamat at sana ma-sustain namin ang excitement," ayon naman kay Angel Locsin. 

Ayon naman kina Robin Padilla at Freddie Garcia (FMG), asahan ang mas level-up pang mga talento na bibida sa mga darating pang episodes.

"Ang gauge namin ni boss FMG at ni Ms. Vice, kapag nakikita namin na nae-excite sila (audience), ibig sabihin bago 'yun," ani Padilla.

Sina Billy Crawford at Toni Gonzaga ang bagong tandem ng hosts sa PGT6.
    
"Adding Toni is like an upgrade. Yung rapport namin dalawa kapag magkasama kami parang hindi nga trabaho," kuwento ni Crawford.

"Ito ang isa sa mako-consider ko sa pinakamasayang reality show kasi hindi siya naka-box o nakakulong sa isang konsepto," ani Gonzaga.

Ayon kay Locsin, kakaiba ang PGT6 dahil ang hosts ay may kapangyarihan na ring magbigay ng "golden buzzer."

"Ngayong season, hindi lang ang judges ang puwede magbigay ng golden buzzer kundi pati mga host," ani Locsin.

Mapapanood ang Pilipinas Got Talent tuwing Sabado at Linggo sa ABS-CBN.
    
--Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.