PANOORIN: Kapeng may disenyong mukha ng aso at iba pang imahe

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 10:47 PM

Sampung minuto lang ang kinakailangan ng isang barista sa Taiwan upang iguhit sa order na kape ang mga larawan ng mga alagang hayop ng kaniyang mga customer.

Gamit ng coffee shop owner at coffee artist na si Chang Kuei-fang sa paglikha ng mga obra ang paintbrush at pangkulay mula sa mga sangkap ng inumin gaya ng espresso at tsokolate.

Bukod sa mga alagang hayop, puwede ring magpaguhit sa barista ng sikat na characters sa pelikula tulad ni Olaf ng "Frozen."

Pati larawan ng customer, puwedeng ipa-coffee art.

Kuwento ni Chang, isa sa mga pinakamatinding hamong hinarap niya ang pagguhit ng 3D na larawan mula sa milk foam o bula ng gatas.

Unang sumabak si Chang sa sining ng latte art, o iyong paggawa ng mga larawan sa inuming kape, noong 2003.

Dati'y nagtitinda lamang siya ng kape sa kalsada pero kalauna'y nakapagbukas rin ng sariling cafe sa Kaohsiung, Taiwan.

Aabot sa 700 Taiwan dollar o mahigit P1,100 ang presyo ng mga coffee art ni Chang, depende sa hirap at kasangkapan.

Sa kabila nito, handa pa ring magbayad ang mga coffee-art lover.

Balewala rin sa mga mamimili kahit lamigin na ang kape, mapanatili lang at makuhanan ng retrato ang mga kaakit-akit na likha ni Chang.

-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.