Babae tumangging magpasaklolo sa baha kung di kasama ang 25 alagang aso

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2018 09:57 PM

KOCHI, India — Isang babae sa Kerala state ng India ang tumangging magpasagip sa matinding baha kung hindi kasamang maliligtas ang kaniyang 25 aso. 

Nahaharap ngayon sa matinding pagbaha ang Kerala kung saan pumalo na sa 324 ang naiulat na patay. 

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, natagpuan ng rescuers sa Thrissur ang babaeng kinilalang si Sunitha.

Nang sabihing hindi kayang maisama ang kaniyang mga aso — na lahat ay askal o mga napabayaan na — nagmatigas ito at tumanggi nang magpasagip. 

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang rescuers sa Humane Society International na tumulong para masagip si Sunitha, kaniyang asawa, at 25 aso.

Natagpuan ang mga aso na nagkukumpulan sa mga kama habang pataas nang pataas ang baha sa bahay. 

Ligtas na ngayon sina Sunitha at kaniyang mga aso at pansamantalang naninirahan sa special shelter dahil ayaw tanggapin ang mga hayop sa ibang relief camps.

Dahil nasalanta ang bahay, balak ngayong mag-organisa ng fundraiser para kay Sunitha upang magkaroon ng maayos na tahanan ang mga aso kapag humupa na ang baha. 

—Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.