Para ma-delay: Lalaking desperadong umabot sa flight, nanlokong 'may bomba'

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2018 03:32 PM

LONDON — Sa kagustuhan niyang makaabot sa flight, isang lalaki ang tumawag sa mga awtoridad at sinabing may bomba ang kaniyang sasakyang eroplano, dahilan para maantala ito.

Sa ulat ng Reuters, sobrang late na ang librarian na si Jacob Meir Abdellak sa kaniyang May 11 flight mula London patungong Los Angeles at hindi rin nadaan sa paki-usap ang Norwegian Air para pasakayin pa siya.

Kaya walong minuto bago ang kaniyang 5.47 a.m. flight, tumawag siya sa pulis at sinabing may bomba sa loob ng eroplanong sasakyan dapat niya.

Dahil sa tawag, na-delay ang flight nang 90 minuto para inspeksiyunin muli ang mga pasahero nito. Doon na nakaabot si Abdellak.

Inakala ng lalaki na lusot na siya. 

Pero sa imbestigasyon, natuklasang numero ni Abdellak ang ginamit para sa hoax call dahil iyon din ang kaniyang pinang-book sa nasabing flight. 

Kaya nang bumalik si Abdellak sa paliparan noong Mayo 22 para sa bagong flight patungong Amerika, hinuli na siya ng mga pulis. 

Depensa niya, nawala ang kaniyang sim pero nito lamang Martes ay hinatulan siya ng 10 buwang pagkakakulong dahil sa kaniyang ginawa. 

—Isinalin mula sa ulat ng Reuters
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.