Lalaking idinemanda ang 'kalaguyo' ng misis, wagi ng $9 milyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2018 01:44 PM

Isang lalaki mula sa North Carolina, USA ang tila naka-jackpot pa matapos ang pangangaliwa ng kaniyang misis. 

Ayon sa ulat ng CNN, pinagbabayad ng danyos na aabot $8.8 milyon ang umano'y kabit ng misis ni Keith King. 

Kuwento ni King, naaktuhan niya ang asawa na may kasamang lalaki sa isang kama. 

Pero imbes na ang asawang si Danielle ang kasuhan, nagsampa si King ng “alienation of affection” suit laban sa lalaking umano'y umagaw sa kaniyang misis. 

Isa ang North Carolina sa kakaunting estado sa Amerika na kumikilala sa naturang kaso.

Sa argumento ni King sa korte, ikinumpara nito sa "pagpaslang" ang nangyari sa kaniyang kasal dahil sa panggugulo ng kalaguyo ng kaniyang misis. 

“I’ve compared it to like a nuclear bomb going on around my surroundings...My marriage was murdered,” ani King.

Pumanig ang mahistrado at inatasan nito ang kabit ng misis ni King na magbayad sa nilokong asawa.

—Isinalin mula sa ulat ng CNN

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.