Imahen ng Birheng Maria na umano'y lumuluha, dinarayo ng mga deboto

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 07:36 PM

Isang imahen ng Birhen Maria na umano'y lumuluha ang agaw-pansin ngayon sa altar sa isang compound sa Bacolod City. 

May ilang Marian devotees na pumunta na sa lugar at nagpahid na rin ng kanilang panyo sa luha na parang langis na lumalabas mula sa mata ng imahen.

Ayon sa mga deboto, parte na ito ng kanilang debosyon at naniniwala sila na makakatulong ito sa kanilang paggaling. 

Ayon sa caretaker ng imahen, itinuturing niya ang pangyayari na parang aparisyon kung kaya't nagpagawa siya ng altar para maibahagi niya ito sa mga naniniwala sa Birheng Maria.

Dagdag pa ni Jun, gawa sa fiber glass ang imahen at binili ito noong 2004 sa Manila. 

Noong 2013 unang nadiskubre ni Jun na may luha umano na lumalabas sa mata ng imahen. 

Doon na rin siya nagsimulang manghikayat na gawing seryoso ang pagrorosaryo dahil ito ang mensahe na natanggap niya sa kanyang panaginip.

Sa ngayon mas nakakakuha ng atensyon ang imahen dahil mas dumami umano ang luha na lumalabas sa mga mata nito. 

Nang pinuntahan ng ABS-CBN News ang lugar, naabutan ang ilang mga Marian devotees na nananalangin at nagpapahid ng kanilang panyo sa imahen. 

Ayon sa kanila, parang hindi natutuyo at patuloy ang umano'y pagluha ng imahen.

Pero ayon naman kay Fr. Chris Gonzales, Social Action Center Director ng Bacolod Diocese, hindi madali para sa simbahan ang magpalabas ng panindigan para sa ganitong mga pangyayari. 

Dagdag pa niya, maraming proseso ang isinasagawa para maituring na isang himala ang isang pangyayaring katulad ng umano'y pagluha ng mga imahen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.