Lalaki, tinangka umanong pasabugin ang sariling bahay

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 03:48 AM

Ipinakulong ng isang ina ang kanyang anak dahil sa pagtatangka umanong pasabugin ang kanilang bahay sa Brgy. CAA, Las Piñas City gamit ang rebentador.

Ayon kay Rosana Lisondra, nilagyan ng kanyang 32-anyos na anak na si Stanley ng tatlong pirasong paputok na "5-star" ang kalan sa loob ng kanilang bahay.

Nagkaroon ng pagtatalo ang pamilya dahil sa usapin tungkol sa bahay na napatungan pa ng iba't ibang isyu.

Bago ang insidente tungkol sa paputok na iniwan sa kalan, pinagbantaan pa umano ni Stanley ang kanyang ina na gigilitan.

Isinumbong kasi ni Ginang Rosana ang kanyang anak sa kanyang tatay nang magwala ito nang minsang malasing.

Gumagamit din umano ng iligal droga si Stanley.

Itinanggi ng suspek ang paratang pero aminado siya na nagpaputok siya ng 5-star sa labas ng bahay, na isang paglabag sa city ordinance sa Las Piñas, at nagdulot ng alarma at eskandalo sa mga kapitbahay.

Tatlong beses nang nakulong si Stanley nang masangkot sa away-kabataan. 

Aminado siya na gumagamit din siya droga dati.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.