TINGNAN: 'Peligrosong' ulap sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2018 06:44 PM

Kuha ni Rey Siose, 7 Hulyo 2018

Natunghayan ang kakaibang pormasyon ng ulap sa Zamboanga City nitong umaga ng Sabado, Hulyo 7.

Ayon kay Rey Siose, isa sa mga nakakuha ng larawan at video sa ulap, nangingisda sila ng kaniyang mga kasamahan sa baybayin nang mapansin ang naglalakihang ulap na tila bumuo ng pader sa himpapawid.

"Noong una, natakot kami baka magka-tornado, pero habang tumatagal vinideohan ko na lang dahil maganda ang clouds formation," kuwento ni Siose.

Kuha ni Rey Siose, 7 Hulyo 2018
Kuha ni Rey Siose, 7 Hulyo 2018
Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipinagtaka rin ng iba pang residente ang namuong hugis ng ulap.

Maganda raw ang lagay noon ng panahon nang lumabas ang naturang klase ng ulap. Nagtagal ng isang oras bago nawala ang naturang ulap.

Ayon sa PAGASA, tinatawag na squall line ang namuong pormasyon ng mga ulap.

Kadalasa'y namumuo ito sa pinagsamang severe thunderstorm at habagat.

Dagdag ng PAGASA, delikado ang naturang squall line dahil maaari itong magdulot ng water spout o iyong ipo-ipo sa ibabaw ng anyong-tubig.

Mabuti na lang daw at hindi iyon namuo noong Sabado.

Paalala ng PAGASA sa mga residente, sa susunod na matunghayan ang ganitong klase ng ulap, mainam na mag-ingat at lumayo na sa anyong-tubig dahil sa posibleng pamumuo ng ipo-ipo.

-- Ulat ni Noning Antonio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.