Pabangong amoy amag at semilya tampok sa exhibit; mga hubad, nag-skydive

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 09:03 AM

Kakaibang amoy ang malalanghap mula sa mga bote ng pabangong tampok sa isang exhibit sa London, U.K.

Hindi pangkaraniwan ang mga pabangong ibinida sa isang exhibit sa London.

Sa halip kasi na nakasanayang halimuyak ng bulaklak o kaya'y prutas ang maaamoy sa mga botelya, amoy chlorine, amag o kaya'y semilya umano ang mga pabango.

Ayon sa isa sa mga nag-organize ng exhibit, nagbabago na ang gustong klase ng pabango ng ilang gumagamit nito.

May iba raw kasing hanap ang halimuyak na magpapaalala sa kanila ng ilang karanasan, tulad ng amoy ng swimming pool na nilagyan ng chlorine o kaya nama'y ang mala-amag na amoy sa loob ng mga de-kahoy na lalagyan gaya ng damitan at baul.

Magtatagal hanggang Setyembre ang exhibit ng mga kakaibang pabango.

Walang saplot, pero may parachute ang isa sa mga Briton na nag-skydive sa Mombasa, Kenya.

Mga hubad, nag-skydive

Sa Kenya naman, kakaiba ang trip ng apat na nag-skydive na Briton.

Hubo't hubad silang tumalon nang naka-parachute mula sa eroplanong lumilipad sa taas na 22,400 talampakan.

Target ng apat na skydivers na makapagtala ng world record para sa "highest naked jump".

Ito rin daw ang paraang naisip nila para manawagan ng pagkakaisa sa Great Britain matapos magdesisyon noong Hunyo 2016 ang mga Briton na umalis sa European Union. -- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.