Tutang may 3 paa, isinilang sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 08:30 PM

LAGUNA - Agaw-atensiyon sa mga residente ng Barangay Sta. Lucia, Nagcarlan, Laguna ang isang asong ipinanganak na may tatlo lamang na paa.

Ayon kay John Lester Deyparine, ang nag-aalaga kay "Putol," napansin kaagad nila na kulang ito ng isang paa nang ipanganak.

Mas maliit rin umano ito kumpara sa mga kapatid nito.

Limang araw pa lamang mula nang isilang ang aso. Kasabay niyang ipinanganak ang tatlo pang babaeng tuta na normal ang kalagayan.

Sa kabila ng kanyang kakulangan, itinuturing siyang biyaya ni John Lester.

Ayon kay Dr. Marco Reyes, isang beterinaryo, tinatawag na amelia ang kondisyon ni Putol.

"Amelia is the absence of a part or a limb, 'yung nasa unahang paa yung fore limb or hind limb. In such conditions, pwedeng marami yung nawawala, or in this case isa lang yung nawawala," paliwanag niya.

Congenital ang kondisyon ni Putol, na maaring dulot ng pagkabulabog sa developmental stage ng tuta dahil sa nainom na gamot o kaya'y naranasang stress ng inang aso.

Posible rin umanong nakuha ni Putol ang isang abnormal gene mula sa mga magulang nito.

Payo ni Reyes, mas mainam na ipa-neuter o ipa-kapon ang mga alagang pusa o aso para maiwasan ang pagkalat ng ilang hindi pangkaraniwang kondisyon.

Nagsasagawa ang University of the Philippines Los Baños Veterinary Teaching Hospital ng libreng spay-neuter operation tuwing buwan ng Setyembre.

Dagdag pa ni Reyes, gabay at tamang pangangalaga ang kailangan ni Putol para lumaki nang maayos sa kabila ng kanyang kalagayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.