Libo-libong dikya, napadpad sa Nacpan beach sa El Nido

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 06:27 PM | Updated as of Jun 19 2017 06:44 PM

(Contributed photo)

PALAWAN – Nagkalat ang mga dikya sa isang sikat na pasyalan dito, ngunit wala naman umanong dapat ikabahala sa pangyayaring ito, ayon sa isang opisyal. 

Makikita sa kuha ng isang netizen ang nagkalat na jellyfish o dikya sa Nacpan beach, na kamakailan lamang ay ihinayag ng isang international travel website na isa sa pinakamagagandang dalampasigan sa mundo. 

Paliwanag ng Palawan Council for Sustainable Development, natural na phenomenon ang pagdagsa ng dikya, lalo na at may pagbabago sa panahon. 

"It’s a natural phenomena no, kasi rainy season na. Ano ito eh, isang phenomena na once in a month siguro nagkakaroon ng ganiyan,” Ani Jovic Fabello, ang tagapagsalita ng PCSD.

Posibleng dahilan naman daw ng pagdagsa ng dikya ay dahil marami silang makakain sa lugar na ito. 

(Contributed photo)

Ani Fabello, ang mga jellyfish ay kumakain ng fish larvae.

"Kung mas marami 'yung pangangailangan nilang nandun sa isang lugar e naturally doon sila mag-co-converge,” dagdag ni Fabello. 

Hindi naman daw mapanganib ang ganitong uri ng jellyfish ngunit pinayuhan pa rin ang mga turista na umiwas na muna sa mga lugar na maraming dikya.

"Huwag muna nating paliguan ano… Kasi mahirap mag-take ng risk, na baka kung ano yung mangyari sa atin during that time ng ano (paliligo) until such time na wala na yung dikya then that’s the time na pwede naman tayong maligo.” Ani Fabello.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.