Ilang nag-hammock challenge, nalula; jumbo saging, agaw-pansin

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 05:46 PM | Updated as of May 31 2017 06:24 PM

Nasubukan ang tibay ng loob ng mga lumahok sa kauna-unahang Bicol Hammock Festival sa Camarines Norte nitong weekend.

Tampok sa pagtitipon ang 12-layer hammock kung saan hinamon ang mga matatatag ang dibdib na humiga sa mga duyan na nakabitin sa pagitan ng dalawang puno. 

Mayroong umabot lang sa ika-anim na duyan dahil nalula na raw sa taas ng mga susunod pang hammock. 

12 hammock ang ibinitin sa pagitan ng dalawang puno

Si Rowel Rivera, na dumayo pa mula sa Marikina, ang naglakas-loob na pumunta sa ika-12 na hammock.

Sabi niya, ito ang kaniyang paraan para labanan ang "fear of heights" niya.

Jumbo saging, agaw-pansin

Sa Zamboanga naman, nakapukaw ng atensiyon ang napakalaking piling ng saging.

Bawat piraso ng saging ay may bigat na kalahating kilo at may haba na 12 sentimetro o katumbas ng halos limang pulgada. Mahigit triple ang laki at haba nito sa karaniwang saging.

Ayon sa nagtitinda, binili nila ang seedling ng kakaibang klase ng saging sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Tinanim nila ito sa kanilang bakuran at pinayabong gamit ang organic na pataba sa lupa.

Dagdag pa niya, tinawag ng mga residente ang dambuhalang saging na "Sandoke" na bihira sa Zamboanga City.

Ilang taon na rin silang nagbebenta ng higanteng saging sa halagang P20 kada piraso.

Ang lasa daw nito ay tulad din naman sa regular na saging.

-- Ulat nina Michael Leer Asuncion at Reuben James Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.