TINGNAN: Punong may mala-bahagharing katawan

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 09:40 PM

 

Hindi biktima ng vandalism ang mga makukulay na puno sa retratong kuha ng Department of Science and Technology-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI).

Natural na taglay ng "rainbow tree" o Eucalyptus deglupta ang makulay nitong katawan at mabangong dahon.

Ayon sa forester na si Dr. Manuel Castillo, matatagpuan ang punong ito sa Papua New Guinea, Indonesia at maging sa Pilipinas. Karamihan umano sa mga punong ito ay matatagpuan sa Mindanao, kung saan mas kilala ito sa tawag na bagras.

May ilan ring rainbow tree na matatagpuan sa Laguna, katulad na lamang ng isang matatagpuan malapit sa Forest Science Building sa loob ng University of the Philippines Los Baños.

"Ang tunay talagang kulay nito ay green sa umpisa, and through the years o periodically nagshe-shed off siya ng kaniyang balat, 'yung matandang balat para pumalit ang balat. Now 'yung balat niya, nagkakaroon or nagshe-shed kapag tumatanda na magkakaroon ng iba't ibang kulay dahil doon sa mga pigment na presence sa bark. Meron siyang kulay na gray, may orange maroon brown at eventually 'pag natanggal na lahat ng balat, kulay berde ulit siya," paliwanag ni Castillo.

Mayroon ring nakatanim na bagras sa bayan ng Bay, malapit sa munisipyo at simbahan. Ayon sa marker, 1975 pa naitanim ang puno.

Dagdag ni Castillo, nagsisilbi ngayong ornamental tree ang bagras, na nakakatulong din sa kalikasan. Ginagamit ng mga punong tulad ng bagras ang carbon dioxide na inilalabas ng mga tao para mabuhay. Ang mga puno at halaman din ang naglalabas ng oxygen na siya namang kinakailangan ng mga tao para mabuhay.

Hinihikayat niya ngayon ang lokal na pamahalaan na magtamin ng bagras sa mga parke o eskwelahan para sa mas malinis na hangin at kaakit-akit na kapaligiran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.