Sanggol sa Tsina, isinilang 4 na taon matapos masawi ang mga magulang

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 11:48 PM

Isinilang ang isang sanggol sa Tsina apat na taon pagkatapos masawi ng kaniyang mga magulang sa isang aksidente sa sasakyan, ayon sa ulat mula sa Beijing. 

Naging posible ito dahil bago pumanaw noong 2013, sumailalim sa fertility treatments ang mga magulang ng sanggol upang magkaroon ng anak.

Isinilang ang sanggol na lalaki ng isang taga-Laos na surrogate mother o babaeng nagdala sa kanyang sinapupunan ng embryo mula sa pinagsamang mga sperm at egg cell ng nasawing mag-asawa.

Ipinanganak ang bata noong Disyembre 9, at may palayaw na "Tiantian," na ibig sabihi'y "matamis" sa Mandarin.

Bukod sa nakamamangha ang pagkakasilang sa sanggol, hindi rin biro ang pinagdaanang proseso para tuluyang madala sa sinapupunan ang bata.

Ilegal kasi sa Tsina ang surrogacy o ang pagdadalantao sa embryo na galing sa iba.

Kaya nagtungo pa sa Laos ang mga lolo't lola ng sanggol dahil doo'y legal ang surrogacy. 

Nang ipagbuntis na ng surrogate mother ang sanggol, dinala naman ito sa Tsina para doon manganak.

Matapos isilang ang sanggol, kinailangan pa nitong sumailalim sa DNA test, gayundin ang kaniyang mga lolo't lola, upang mapatunayang Chinese nga ito.

Hihintayin naman muna ng lolo ni Tiantian na dumating sa tamang edad ang bata bago sabihin sa kanya kung paano siya ipinagdalantao, at kung ano ang nangyari sa mga magulang niya. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.