Kalalakihan sa Calamba, pumarada nang nakapambabaeng sapatos

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 11:19 PM | Updated as of Mar 23 2018 12:13 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

CALAMBA CITY - Bilang pakikiisa sa International Women's Month, pumarada ang mga lalaki sa Calamba City habang suot ang mga pambabaeng sapatos.

Huwebes ng umaga nang pumarada ang mga lalaking naka-pambabaeng sapatos.

Ang ilan ay nagsuot ng heels habang ang iba naman ay naka-flats.

Ang mga naglakas loob na magsuot ng high heels, paika-ika man ang lakad, taas-noo pa ring naglakad sa kalsada.

Isa si Willy Lamar, isang public school teacher, sa mga lumahok sa parada.

Aniya, hindi umano niya alintana ang hirap sa paglalakad dahil gusto niyang makiisa sa kababaihan.

"Naiilang din naman especially my wife, natatawa din siya. Pero ang point dito is hindi naman sa maging katatawanan tayo but the point is sa pakikiisa natin kasi mga babae kasi ang naghihirap," aniya.

Tinawag ang programa na "Walk on her Shoes" na inorganisa ng lokal na pamahalaan.

"Para po maramdaman nila na mahirap palang magsuot ng high heels, para ma-feel po nila at maramdaman nila kung ano 'yung nararanasan at nararamdaman ng mga kababaihan," paliwanag ni Celina Manabat, City Social Welfare and Development officer ng Calamba City.

Pagkatapos ng parada, nagkaroon ng simpleng programa para sa ilang mga award at pagpili ng kalahok na may "manliest walk."

Nagsagawa rin ng panunumpa at ng pagpirma sa pangakong itataguyod ang kapakanan ng mga babae.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.