PANOORIN: Manhole ginawang 'swimming pool' sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 09:09 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinagpiyestahan ng mga kabataan ang isang nakatiwangwang na manhole matapos itong magmistulang swimming pool sa kanto ng Cristobal at Fajardo streets sa Sampaloc, Maynila.

Nasa 2 linggo nang naipon sa manhole ang malinis at malinaw na tubig makaraang tamaan ng mga contractor ang isang tubo ng Maynilad habang binubungkal ang kalsada.

Kumalat sa social media ang isang post kung saan makikitang ginagamit bilang paliguan ang manhole.

Sa pagsilip ng ABS-CBN News sa sitwasyon nitong Miyerkoles ng madaling-araw, napag-alamang nasarhan na ng mga awtoridad ang manhole. Pero tinatanggal pa rin ng ilang bata ang bakal na takip nito upang makalusong sa "swimming pool."

Anila, malinis naman ang tubig at hindi nila alintana ang mga bato, bakal at iba pang matutulis na bagay sa loob ng manhole. Wala rin umanong mga tanod na nagbabawal sa kanila.

Iginiit naman ng tanod na si Pedro Dela Cruz na binabawalan nila ang mga kabataan, ngunit paulit-ulit pa rin silang lumalangoy roon.

Halos 3 taon na aniya ang naturang drainage construction.

Nanawagan siya sa mga awtoridad na tapusin na ang proyekto para hindi ito makaabala at magdulot ng disgrasya.

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.