Pagtataksil? Ilang asawa, ikinukubli ang bank account sa partner

Agence France-Presse

Posted at Jan 25 2018 01:16 AM

Lumabas sa isang survey sa Amerika na isa sa kada limang nasa relasyon ang nagkukubli ng kanilang bank account sa kanilang asawa o partner.

Ayon sa pag-aaral ng YouGov Plc, mas malaki ang tiyansa ng mga millennials, o iyong mga edad 18-37, na maglihim ng bank account sa kanilang karelasyon, base na rin sa kanilang pag-amin sa survey.

Sinusundan sila ng "Gen Xers," o mga edad 38-53: 24 percent sa kanilang grupo ang aminadong nagtago ng yaman mula sa kanilang partner.

Sa kategorya naman ng "baby boomers," o mga edad 54-72, 17 percent ang nagsabing mayroon silang ikinukubling bank account.

Para naman sa mga edad 73 o mas matanda pa, eight percent lang ang nagsabing nagtago sila ng yaman mula sa partner.

Ayon pa rin sa survey, 31 percent ng mga Amerikano ang nagsabing mas malala pa ang pagtatago ng bank account o credit card kumpara sa pangagaliwa.

Tanging 11 percent ng mga na-survey na magkarelasyon ang nagsabing hindi nila tinatalakay ang kanilang pinagsamang halaga ng yaman.

© Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.