Pasaherong sumuka sa taxi, dinala ng driver sa presinto

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 08:13 AM

DAVAO CITY - Dumulog sa pulisya ang isang taxi driver matapos magsuka sa kaniyang sasakyan ang lasing na pasaherong babae ngayong Martes ng madaling-araw. 

Kuwento ng driver na si Pedro Lapinid, siningil niya ng P1,500 ang pasaherong si alyas Johanna, pero hindi sila nagkasundo. 

Handa naman umanong makipag-ayos ang driver, pero nagalit ito nang sigawan ng kasama ni Johanna. 

Dahil dito, imbes na ihatid ang pasahero sa pupuntahan, idiniretso siya ng driver sa police station sa Barangay Sta. Ana. 

Iginiit naman ng pasaherong si George na masyadong malaki ang sinisingil ni Lapinid. Aniya, "P1,500 ang hiningi eh nakasuka lang ng kaunti." 

Giit naman ng driver, "Ang sa akin lang naman ang boundary ko lang. Puwede man din pag-usapan na lang ang problema ganyan lang." 

Nagkasundo kalaunan ang 2 kampo na bayaran na lang ng P500 si Lapinid, bukod sa pamasahe sa taxi. 

Humingi rin ng dispensa ang grupo ni Johanna sa abalang naidulot niya. 

Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.