Puhunan at ayuda mula Japan, pasalubong ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 10:06 PM

Sa pag-uwi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas, baon niya ang bilyon-bilyong dolyar na investment at tulong mula sa gobyerno ng Japan at iba pang grupo. 

Pasalubong ng Pangulo ang $6 bilyong halaga ng investments mula sa iba't ibang Japanese groups at ang kompirmasyon ng Japanese government ng ayudang aabot sa isang trilyong yen.

Kasama sa ibibigay na tulong ng Japan ang suporta para sa rehabilitasyon ng Marawi at sa pagpapatayo ng Metro Manila subway project.

Dalawang araw ang bisita ni Duterte sa Japan na itinuturing niyang malapit na kaibigan ng Pilipinas.

Sa kaniyang meeting nitong Lunes, Oktubre 30, kay Prime Minister Shinzo Abe, parehong binigyang diin ng dalawang lider ang pagnanais na lalong palawigin ang relasyon ng dalawang bansa sa susunod na limang taon, na ituturing na 'golden age of strategic partnership.'

“Excellency, I will strive to keep that friendship, amity, and cooperation between us, our nations and our peoples, going from strength to further strength,” ani Duterte.

Nagkaroon din ng pagkakataon na mag-relax at magbiruan ang dalawang lider sa formal dinner na inihanda ni Abe nitong Lunes sa Tokyo.

“I will skip two pages of my prepared speech and go to the last page because I am hungry,” biro ni Duterte nang babasahin na ang kaniyang talumpati para sa okasyon.

Nagbalik-tanaw naman si Abe sa kaniyang pagbisita kay Duterte nitong Enero. 

Aniya, 90% ng mga nag-view ng video clip ng pagbisita ni Abe na ini-upload sa official Facebook page ng punong ministro ay pawang mga Pinoy mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Pabirong sinabi ni Abe na sana'y mas marami pa siyang kababayang tumatangkilik sa kaniyang social media account.

“So only the 10% account for those of us Japanese. So I would like to encourage Japanese to pay more attention to my Facebook account,” ani Abe.

Samantala, ang pakikipagkita sa imperial couple na sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Palace ang huling agenda ni Duterte sa kaniyang opisyal na pagbisita sa Japan.

Para sa Pangulo, paraan ito ng pagbibigay-pugay sa emperador bago tuluyang bumaba sa trono sa susunod na taon.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.