Job fair para sa 'Build, Build, Build' aarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 01:04 PM | Updated as of Aug 10 2018 02:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Magkakaroon ng isang job fair ngayong darating na Linggo upang ialok ang libo-libong trabahong kakailanganin sa "Build, Build, Build" program ng gobyerno.

Mahigit 15,000 na bakanteng posisyong ang nais mapunuan para sa mga nakapilang mga proyekto, ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

Sari-saring mga trabaho ang naghihintay dito, kabilang ang para sa mga inhinyero, project managers, accountants, administrative officers, welders, machine operators, at iba pang laborers. Makikita ang kumpletong listahan sa http://build.gov.ph/

Bagaman magiging bentahe ang experience, hindi naman ito kinakailangan sa lahat ng mga posisyon, lalo na sa mga manggagawa, ani Villar.

Isa sa mga hangad ng gobyerno ang bigyang muli ng trabaho ang mga overseas Filipino workers na umuwi na ng bansa o kaya naman ay iniisip nang umuwi.

Inaasahan ni Villar na dahil mataas ang demand para sa mga trabahong ito ay tataas din ang alok na sahod.

"Kung di naman masyadong malaki yung agwat sa sweldo, mas pipiliin pa ng ating mga kababayan na mag-stay na lang. Mas masaya pa rin sa Pilipinas," kuwento niya sa panayam sa DZMM Lingkod Kapamilya.

Magsisimula ang registration sa job fair sa ganap ng 8:30 ng umaga, sa SMX Convention Center sa Pasay City. 

Dalhin lamang ang inyong biodata at maghanda sa posibleng initial interview sa mga contractor.

Wala umanong dress code dito, kaya hindi dapat mahiya ang mga naghahanap ng trabaho, sabi ni Villar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.