Paglago ng ekonomiya bumagal; Boracay closure, inflation sinisi

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 08:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumagal ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa ikalawang quarter ng taon, base sa naitalang gross domestic product (GDP) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Inilago ng ekonomiya ng Pilipinas nitong 2018 

• Enero-Marso → 6.6 porsiyento
• Abril-Hunyo → 6 porsiyento
• Target na paglago sa buong taon → 7-8 porsiyento

Ayon sa datos na inilabas nitong Huwebes, 6 porsiyento lamang ang inilago ng ekonomiya ng bansa mula Abril hanggang Hunyo, ang pinakamabagal na antas nito sa loob ng tatlong taon.

Pero ano nga ba ang GDP?

ANO ANG GDP?

Ang GDP ay sukatan ng lahat ng mga ginawang produkto at ibinigay na serbisyo sa loob ng bansa sa itinakdang panahon.

Ginagamit ito ng mga investor at mamumuhunan para malaman kung maganda ang ipinakita ng ekonomiya ng isang bansa. 

Nitong ikalawang quarter, nakitang mga investment pati services sector gaya ng mga business process outsourcing (BPO) at call center ang nagdala sa GDP.

Bumagal naman ang manufacturing at halos walang iginalaw ang sektor ng agrikultura, bagay na ikinababahala ng gobyerno.

Aminado ang gobyerno na naka-apekto ang mga polisiyang ipinatupad nila, kabilang na ang pagsasara sa Boracay pati ng ilang mga minahan.

Pero pinakamalaking dahilan daw ay ang inflation o ang pagmahal sa presyo ng bilihin at serbisyo.

"Had it not for high inflation, GDP growth in quarter 2 could have landed within 7-8 percent," giit ni Ernesto Pernia, director general ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Kaya't ang Bangko Sentral ng Pilipinas, kumilos na at itinaas ang interest rate para labanan ang inflation.

Hindi naman daw dapat mabahala ang mamamayan, ayon sa Palasyo.

“If GDP will further fall because of the desire of the President to protect the environment, then so be it. We are investing in the future, not just the present,” ani Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.