'Presyo ng commercial rice, asukal, inaasahang bababa'

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 08:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Posibleng bumaba na ang presyo ng bigas at asukal kapag dumating sa merkado ang mga imported na supply nito, ayon sa National Food Authority (NFA) at Sugar Regulatory Administration (SRA). 

Pero ang problema, naiipit pa umano sa port ang ilang mga bigas habang kararating lang ng barko na may dalang mga imported na asukal. 

BIGAS

Marami kasi ang nagrereklamo na tila wala pa ring pagbabago sa presyo ng mga commercial rice sa merkado kahit pa mayroon na muling supply ng tig-P27 NFA rice. 

Kuwento ni Ramon Saner, kumonti na ang bumibili ng commercial rice sa kaniya simula nang dumating ang NFA ngunit wala pa ring galaw sa presyo nito.

"Sa ngayon po mas marami na talaga ang bumibili ng NFA rice...Pag darating nu'ng tig-P32 na NFA baka mas lalong tutumal ang commercial," ani Saner, na may puwesto sa Nepa Q Mart.

Presyo kada kilo ng bigas sa Nepa Q Mart 

  • Regular-milled rice — P39-P40 
  • Sinandomeng — P42-P46
  • Dinorado — P52-P54 
  • Super Angelica — P43
  • • Ifugao rice — P55
  • Brown rice — P55.00

Ayon sa NFA, oras na maipakalat na nila ang "mas magandang" kalidad ng NFA rice na ibinebentang P32 ay baka bumaba na rin ang presyo ng mga commercial rice. 

Sa ngayon kasi, hindi pa naibababa lahat ng bigas sa mga barko at hindi rin lahat ng lugar sa bansa ay may NFA rice na.

"Hopefully by end of July or starting August lahat ng regions makakapagbenta na ng NFA. Kasi as of this time wala pa sa Regions 8 at 9... Hopefully the effect of market injection of NFA rice ay mafi-feel natin," ani NFA Grains Marketing Operations director Rocky Valdez.

ASUKAL

Samantala, posible na raw bumaba ang presyo ng asukal sa mga susunod na araw 

"Currently the price of sugar is really too high for the general public," ani SRA Administrator Hermenegildo Serafica.

Sa ngayon, mataas pa rin ang presyo ng asukal sa Nepa Q Mart.

Presyo kada kilo ng asukal sa Nepa Q Mart:

  • Asukal na puti — P60
  • Washed — P55
  • Brown — P50 

Una nang nilinaw ng SRA na sapat naman ang supply ng asukal na ginagamit ng publiko at ang may problema lang ay ang supply ng asukal na ginagamit ng mga kompanya ng softdrinks. 

Dahil dito, ang pagtaas ng presyo ng asukal sa merkado ay pananamantala lang umano ng mga commercial player. 

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.