Grupo ng UV Express, humirit ng pansamantalang dagdag-pasahe

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 10:18 AM | Updated as of Jul 12 2018 09:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naghain ng petisyon nitong Huwebes ang ilang operator at driver ng UV Express para sa pansamantalang dagdag-singil na P1 kada kilometro.

Ayon sa grupong Code-X Transport Service Cooperative, kailangang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang petisyon gaya ng pagpayag nito sa pansamantalang dagdag-pasahe sa mga jeep.

Kasalukuyang nasa P2 ang singil kada kilometro sa UV Express kaya kapag inaprubahan ang petisyon ay magiging P3 na ito.

Pansamantala lang ang hiling na P1 dagdag-singil sa UV Express habang hindi pa nadedesisyunan ng LTFRB ang fare hike petition na unang hinain ng Code-X noong Enero.

Sa una nilang petisyon, hiniling na Code X na doblehin ang P2 kada kilometrong pasahe dahil umano sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, spare parts, at terminal fee sa mga mall.

Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng LTFRB ang hiling na P1 dagdag-pasahe sa base fare ng mga jeep sa National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.

Ito ay habang dinidinig pa ang kanilang petisyong nais dagdagan ng P2 ang minimum fare. 

--Ulat nina Joyce Balancio at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.