Iba pang taxi-hailing app, inaasahang aarangkada na rin sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 08:22 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nais punan ng ilang lokal na taxi-hailing service ang pangangailangan sa ride-hailing apps kasunod ng pag-alis ng Uber sa bansa.

Isa rito ang Micab na unang nagsimula sa Cebu at inaasahang magagamit na rin sa Metro Manila sa katapusan ng Abril.

"Wala tayong surge pricing kasi 'yong app natin, kung ano 'yong nasa metro, 'yon din babayaran mo. Wala kasi tayong booking fee, wala tayong surge pricing," ani Eddie Ybanez, chief executive officer ng Micab.

Sa Micab, maaaring mag-book ang pasahero ng taxi na malapit sa kaniyang lokasyon.

Bukod sa Micab, nariyan din ang Davao-based app na Hirna kung saan maaari ring mag-book ng taxi.

Pinuputol ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Linggo ang prangkisa ng Uber sa Pilipinas dahil wala na raw tauhan ang Uber dito.

Ito'y kasunod ng pagbili ng Grab noong nakaraang buwan sa operasyon ng Uber sa Southeast Asia.

Iniutos din ng LTFRB noong Miyerkoles sa Grab na ibaba ang dagdag-singil o surge rates nito sa mga pasahero habang patuloy ang proseso ng accreditation sa mga bagong manlalaro sa industriya ng ride-hailing.

Mula sa dating "times two" o doble ng pasahe, iniatas ng LTFRB sa Grab na gawing "times 1.5" o isa't kalahati lang ang surge rates nito.

"While the LTFRB is processing the new TNC [transportation network company] players, this is to ensure that the fares will be at a rate that is conducive," sabi ni Lizada.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.