Dating kasambahay, factory owner na ngayon

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2018 11:02 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ingay ng bakal na binabarena, kinikiskis, hinihinang, at hinuhulma — ito ang mga ingay na sabay-sabay umaalingawngaw sa isang pabrika ng mga piyesang ginagamit ng mga nasa manufacturing sa Laguna na pagmamay-ari ni Norie Padua.

Pero hindi naging madali bago maabot ni Padua ang rurok ng tagumpay. Sa katunayan, sari-saring direksiyon muna ang kaniyang tinahak at matinding pagpupursigi ang ipinamalas.

Ipinanganak sa pamilya ng mga magsasaka sa Bohol, sa murang edad pa lang ay namulat na si Padua sa hirap ng buhay.

Naranasan niya ang maglakad ng isang kilometro para makapasok sa paaralan at kumain nang halos walang ulam.

"Mahirap income ng pera. So kami minsan ang tinatawag noon, 'one day, one eat' [na] kakain na nga lang, iisipin mo pa kakainin mo mamaya," kuwento ni Padua sa programang "My Puhunan." 

Sa kabila ng antas ng pamumuhay noon, buo ang pasiya ni Padua na makapagtapos ng kolehiyo.

"Iniisip ko talaga na kapag natapos ako ng high school, kailangan kong mag-aral, kahit anong trabaho, papasukin ko," aniya.

Para kumita ng mas malaki at makatulong sa pag-aaral ng mga kapatid, lumuwas ng Maynila si Padua at namasukan bilang kasambahay.

Mapalad si Padua dahil pinagbigyan siya ng kaniyang amo na isabay ang pagtatrabaho sa pag-aaral sa isang night school.

"Kasi iniisip ko 'pag nakatapos ako ng education... at least may (fallback) ako, puwede ako magturo," ani Padua.

Nang makapagtapos, tumigil sa pagiging kasambahay si Padua at naging sekretarya sa isang metal fabrication business.

Kalaunan ay pinilit ni Padua na umangat at maging isang sales agent o ahente. 

Nang makaipon, nagsarili si Padua at pumasok sa paggawa ng mga piyesa. 

Kahit noon ay wala pang masyadong alam sa mga piyesa, pinilit ni Padua na matuto dahil naniniwala siyang ito umano ang "in demand" o may malaking pangangailangan. 

"Nakikita ko kasi sa planta, maraming puwedeng i-supply. Maraming nagpapagawa ng mga gear, shafting, rods," aniya.

Mula sa mano-manong paggawa ng mga piyesa sa sariling bakuran, unti-unting nakaipon ng pambili ng makina si Padua hanggang sa nakapagtayo ng sariling pabrika.

Ngayon, kabilang sa mga kliyente ng negosyong Springtech Industrial Supply ni Padua ang mga malalaking kompanyang gumagawa ng soft drinks at food products.

Kahit nakakaangat, hindi naman nakalimutan ni Padua na tumanaw ng utang na loob sa mga tumulong sa kaniya. Labis ang kaniyang pasasalamat sa among pinayagan siyang mag-aral.

Marahil ay si Padua ang isa sa mga mabubuting halimbawa ng mga taong hindi nagpatalo sa hirap ng buhay para umasenso.

"Kung mayroon ambisyon ka, 'di naman hadlang ang kahirapan [para] makamit natin ang ating gustong mangyari sa buhay," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.