El Nido-Puerto Princesa flights, nagsimula na

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 04:41 PM

Nagsimula na ang El Nido-Puerto Princesa flights nitong Miyerkoles. Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Umarangkada na ang commercial flights patungong Puerto Princesa mula El Nido at flights patungong El Nido mula Puerto Princesa nitong Miyerkoles.

Ang dating 5 hanggang 6 na oras ng biyahe gamit ang bus at van, ngayon ay 40 minuto na lang.

Unang lumapag kanina sa Puerto Princesa ang 48-seater twin engine aircraft sakay ang 42 pasahero mula sa El Nido.

Laking tuwa ng mga bisita dahil mas komportable at mas convenient daw ito sa kanila. Malaking bagay din daw ito sa ekonomiya ng El Nido at Palawan.

Tuwing Lunes, Miyerkules, Biyernes at Linggo ang flight. 

Alas-9 ng umaga aalis ng El Nido papuntang Puerto Princesa at alas diyes naman aalis ng Puerto Princesa papuntang El Nido. Umaabot ang pamasahe sa P2,200, P2,500 at P2,900.

Maliban sa El Nido, may mga inter-island flights na rin sa ibang munisipyo ng Palawan. 

Mayroon nang biyahe mula sa Puerto Princesa patungong Cuyo, 2 beses sa isang linggo. Mayroon ding Puerto Princesa-Coron via San Vicente na 3 beses sa isang linggo ang flight.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.