'Kaltas sa sahod ng Enero base sa lumang tax table, dapat ibalik'

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:13 PM | Updated as of Jan 13 2018 12:00 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

(UPDATED) Pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga employer na dapat ipatupad na ang mas mababang income tax sa Enero at sakaling hindi ito naibigay, kailangang isauli sa empleyado ang sobrang withholding tax na makokolekta.

Ayon sa BIR, epektibo na dapat ang mas mababang income tax sa ilalim ng bagong batas sa unang suweldo pa lang ng taon, at may utang sa mga empleyado na dapat bayaran ang mga nagpasuweldo gamit pa rin ang lumang income tax table.

“Kung sakali man na hindi nai-adjust, dapat po is simulan na nilang i-recompute ‘yan kasi para naman po maibalik sa empleyado kung may sobra pong naikaltas sa mga paunang suweldo,” ayon kay Marissa Cabreros, tagapagsalita ng BIR.

Handa namang makipag-usap ang BIR sa Employers Confederation of the Philippines na nanghihingi ng kaunti pang palugit.

Iba pang buwis

Epektibo na rin simula ngayong Enero ang 5% excise tax sa invasive cosmetic procedures, surgeries, at body enhancements o pagpaparetoke.

Taxable ang operasyon maliban na lang kung ito ay kailangan para maayos ang isang abnormalidad mula pagkabata, o magamot ang mga natamong pinsala sa aksidente, virus, o sakit.

Kaugnay nito, nagtanong ang isang doktor kung papatawan ng excise tax pati ang sex reassignment surgery.

“Others would say being a transgender may not be just a luxury… It’s a congenital problem,” ayon kay Dr. Francis Decanghon, pangulo ng Philippine Academy Of Aesthetic Surgeon.

Ayon sa BIR, nananatili silang bukas sa mga suhestiyon para mapabuti ang regulasyon na gagamitin sa pagpapatupad ng tax reform law.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.