OPINYON: Karagdagang kaalaman sa larangan ng sports at pagbubuwis

Buddy Gomez -- Cyberbuddy

Posted at Aug 04 2018 01:03 AM | Updated as of Aug 04 2018 01:40 AM

Katatapos pa lamang ng palarong World Cup ng football o soccer. Ang nagwagi ay ang France. Marami sa ating mga kababayan sa buong mundo ay nagsipanood sa TV at may kani-kanilang mga paboritong kuponon at mga sikat na atleta. Ang isa sa pinakasikat na ‘Futbolista’ sa mundo ay si Cristiano Ronaldo ng Portugal. 
Nabalitang si Ronaldo ay naparusahan ng multa sa halagang US$3.7 milyong dahil may pagkakamali siya sa kanyang isinumeteng “income tax returns.” Agad-agad namang ito ay inamin at nagbayad si Ronaldo. Tapos ang kuwento!
 
Kaya ko naman ito nabanggit ay dahil sa ating Pambansang Kamao na si Sen. Manny Pacquiao. Hanggang ngayon, si Manny ay nakikipag-buno pa sa ating Bureau of Internal Revenue (BIR). Ang kanyang utang ay 2.26 bilyon piso ngunit ito ay namaga hanggang umabot sa 3.29 bilyong piso dahil sa mga multa at parusa. At katigasan na rin ng kanyang ulo! Ang usaping ito ay nasa kamay ng Court of Tax Appeals at mukhang pumayag ang husgado na alisin ang multa at ‘surcharges’ and fines. Tuloy pa rin ang kaso hinggil sa 2.26 bilyong pisong utang ni Pacquiao.

Mabalik tayo kay Ronaldo. Bagama’t siya ay Portuges, international professional siya. Dating naglaro para sa Real Madrid at kamakailan siya ay lumipat at “binili” ng Juventus (Italia) si Ronaldo. Mantakin ninyo, ang transfer fee na isinukli ng mga Italiano sa Real Madrid upang mapalipat si Ronaldo sa kanila ay US140 million dollars. Diyos kong mahabagin! 7.56 bilyong piso po iyan! Ang sahod naman ni Ronaldo bawa’t taon ay US$35 million dollars. 1.8 bilyong piso po iyan! At labas pa diyan ang kikitain niya sa mga advertisement at endorsements!

Kailan pa kaya ang Pilipinas magkakaroon ng kuponan ng football na kalibreng propesyal na panmundo?

Nananaginip nang dilat

Tanging mga politico lamang, yaong may mga tato sa noo na marka “Duterte,” ang siyang nagtutumulak ng federalismo sa sambayanan Pilipino. At ang nakalimutan nila ay ang “Arithmetic.” Mukha talagang ni hindi pumasok sa kanilang mga kokote ang laki ng salaping kakailanganin upang maisakatuparan ang ganilang guni guni. Nananaginip nang dilat!

Lahat ng dalubhasang ekonomista, kasama na po rito ang “economic planning" Cabinet Secretary ni Duterte mismo, ay nagsasabing hindi uubra ang pababago at pagpalit ng sistema ng ating pamahalaan. Unang-una, ang hindi sira, hindi kinukumpuni, hindi pinapalitan! Ang karamdaman ng Pilipinas ay ang mga naghaharing politiko, hindi ang Saligang Batas! Ang katotohanan nga po ay may maraming kautusan ang atin kasalukuyang ‘Constitution’ na tatlungpong taon nang inupuan at sadyang kinalimutan ng Congreso. Sila ang nararapat na halinhan, hindi ang Saliang Batas.

Ayon sa mga batikang ekonomista, aabutin ng mahigit sa 55- bilyong piso ang kakailanganin para lang matustusan ang pamamaga ng daming opisyales at empleado na idadagdag dahil magkakaroon tayo ng 18 rehiyon, sa ilalim ng kanilang balak. Bawa’t isa niyan ay may sarisariling kamara at mga sala ng hukuman! Saan manggagaling ang kuwartang pangsuweldo? At iyan po ay hindi pang minsanan lamang kungdi paglulustay na taon-taon. Salapi na wala naman sa kamay ng Kaban Bayan! Tiyak na karagdagang buwis na naman ang ipapataw sa balikat ng taong bayan. Kaya kinakailangan tayong lahat ay magsikilos at ipadama sa mga politico ng administrasyong Duterte ang ating patutol.
Kung sana ang pamahalaan ay mayroong ngang ekstrang 55 bilyon piso, higit na mas makatuwirang ipamahagi ito sa kapakanan ng mahihirap at yaong na sa ‘laylayan ng lipunan.’ Ang katotohanan po ay hindi malulunasan ang pangangailangan ng mahihirap sa pamamagitan ng Federalismo at pag-papalit ng Saligang Batas.

Isa pang guni guni 

Ang tawag nila ay “Build. Build. Build.” Alam po ba ninyo na ang bansa natin ay ibabaung muli sa utang? Matapos ipag-yabang ang kanilang mga balak na imprastraktura (mga tren, tulay at may ‘subway’ pa daw!), yoon pala naman ay mangungutang tayo ng 1.19-trillion pesos! Trilyon po yan!

Ang kakahantungan po nito, ayon sa mga dalubhasang ekonomista, ay mahigit sa kalahati ng kikitain ng pamahalaan ay pambayad lang sa utang! 

Hindi lang po kamang-mangan at mabigat na pasang krus ang isangla ang kinabusan ng ating bansa at ng di pa isinisilang na mga anak natin. Ito ay gawain ng walang konsensya.

Kung katinuan ang hahanapin, mas magaling pang ibasura iyang Build, Build, Build, at ipagpatuloy ang napakarami pang na-umpisan na ng administrasyong Aquino. Tutal ang mga natatapus sa panahon nila ay kanila nang ina-angkin! Hindi naman magkukulang sa pasalamat ang sambayanan kung itong lahat ay maisakatuparan sa rehimeng Duterte. Ayaw nilang mababanggit na ang bansa ay nakinabang naman sa matinong pamamalakad ng administrasyong PNoy!

Sa totoo lang, dalawang taon nang nakaupo sa kapangyarihan ang pangkat Duterte ngunit wala pa rin naisasakatuparang pangako, maging sa pagbabago o sa malalaking proyectong ‘obras publicas.’ Ang masakit na katotohanan ay lalong naghirap ang sambayanan dahil sa pagtaas ng bibilihing pang araw-araw. Habang ang patayan ng mga pinaghihinalaang nag-dodroga ay walang humpay. 

At oo ng apala, hanggang ngayon hindi pa rin ibinabahagi sa publiko ng Pangulong Duterte ang mga tuntunin at kundisyon (‘terms and conditions”) ng pagkaka-utang natin sa Tsina. Marami ng uma-angal ngunit hindi pinakikinggan. 

Dalawa sa Tatlo

Ayon sa pinakahuling pumumulso sa pakiramdam o opinyon ng sambayanan hinggil sa panukalang halinhan ang Saligang Batas/ Cha Cha (Charter Change), lumilitaw na animnapu at pitong porsyento (67%) ang ayaw, tutol o hindi sumasangayon na palitan ang ating Constitution. Dalawa sa bawa’t tatlo! Hindi magkalayo ang pamumulso ng SWS (Social Weather Stations) at ng Pulse Asia. Nangangahulugan na iyan ang tunay na damdamin at kagustuhan ng atin mga kababayan na nasa edad ng pag-boto.

Ngayon, bakit pinagpipilitan ng pangkat Duterte na pairalin pa ang ayaw lunukin ng nakararaming Pilipino? Bakit nila iginigiit iyong kanilang pampulitikang kursunada? At naghayag pa ng balak na magkaroon ng kampanya sa madla upang maipaliwanag daw ang bisa ng federalismo. Umaasa ang Malacanang na makukumbinse nila na magbabago pa ang pasiya na bayan. At ito ay gagastahan nang halos isang daang milyon piso!

Nakakapagduda tuloy na mayroon silang lihim na intensyon. Kaya nararapat lamang na lalong pagtibayin natin ang lahat nang ating paninindigan laban sa bagay na pilitang isinosubo sa atin!

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.