Libo-libong atleta, lumahok sa National MILO Marathon sa Cebu

Milo Philippines

Posted at Dec 22 2017 12:08 PM

Tinatayang 12,000 runners ang lumahok sa katatapos lamang na ika-41 na National MILO Marathon, isa sa mga pinakasikat na marathon events sa bansa,kung saan ginanap ang National Finals sa Cebu City noong December 3.

"Start running and stay healthy." 

Ito ang naging layunin ng mga lumahok sa marathon--mapa-grupo pa ng mga magkakaibigan, pamilya, pati magkasintahan, at mga bata. 

Nakisali rin sa takbuhan ang ilang mga atleta na sa huli ay nagkamit ng kampeonato sa marathon. 

Itinanghal na marathon king si Jeorge Andrade mula sa Davao Del Sur sa bilis na 2 oras, 39 minuto, at 34 segundo. 

Nanalo naman muli bilang marathon queen para sa ikalimang beses si Mary Joy Tabal sa bilis na 2 oras, 58 minuto, at 1 segundo. 

Naiyak si Tabal nang maabot ang finish line, dahil inalay daw niya ang kaniyang pagkapanalo sa amang pumanaw na. 

"This run is for him. So I have to finish strong and I have to make him proud and happy," ani Tabal. 

Iba't ibang klase ng karera ang sinalihan ng mga atleta, gaya ng 3-km family fun run, 5-km at 10-km race, 21-km half marathon, at 42-km marathon. 

Laking tuwa umano ng ilan ang pagkakataong maging bahagi ng marathon, dahil sa wakas ay namarkahan na nila sa kani-kanilang mga bucket list ang pagsali sa National Finals ng MILO Marathon ngayong taon. 

"Sumali ako sa MILO Marathon para sa experience at saka magka-good health," ani ng isang nanay kasama ang kanyang anak na babae, na sumali rin sa karera. 

Ayon naman kay Tes Gonzaga, na lumahok rin sa marathon, hindi hadlang ang edad para magsimulang maging mas malusog sa pamamagitan ng pagsali sa mga sporting events. 

Bukod sa marathon, marami ring iba’t ibang laro na kinatuwaan ng mga runners gaya ng taunang cheerdance competition, na pinaghandaan ng mga kabataan. 

Nakatulong din ang mga atleta sa Help Give Shoes advocacy ng MILO, kung saan nabigyan ang ilan ng matitingkad na berde at puting sapatos.

Ayon sa MILO Sports Executive na si Robbie De Vera, mahalaga ang sports sa kalusugan.

Ibinahagi ni De Vera na ang tema ng MILO Marathon sa taong ito ay "magsama-sama, tumakbo, matuto". Kaniyang ipinaliwanag na ang buhay ay maihahalintulad sa marathon na "sa bawat hakbang may matututunan tayong aral." 

Pinayuhan din ni De Vera ang mga magulang, kalahok man o hindi, na hikayatin ang kanilang mga anak na lumabas ng bahay at sumubok ng sports. 

"Get your child into sports and they can see the values that they can learn from it. Values like determination, passion, discipline. We are confident that these kids, by getting into sports, they will learn these values that can make them successful adults in life,” inihayag ni De Vera.

NOTE: BrandNews articles are promotional features from our sponsors and not news articles from our editorial staff.